Dr. Judy Taguiwalo, dating Faculty Regent, kinilalang Tandang Sora 2024 ng QC

| Written by Stephanie Esperida

Mula sa kaliwa: QC Mayor Joy Belmonte at Dr. Judy Taguiwalo. Kuha mula sa Quezon City Government Facebook page.

 

 

“Lodi natin si Tandang Sora. Tinitingala. Iniidolo. Ipinakita niya sa kaniyang tindig at kilos na hindi hadlang ang edad, kasarian, at pagiging ina para makilahok sa sama-samang pagpupunyagi na makamit ng ating bayan ang kalayaan at demokrasya,” pambungad ng mensahe ni dating Faculty Regent Judy M. Taguiwalo ng Unibersidad ng Pilipinas (̽̽) nang tanggapin niya ang Gawad Tandang Sora 2024 noong ika-14 ng Marso sa Tandang Sora National Shrine. Kasama niya sa pagdiriwang ng pagkilalang ito ang kaniyang pamilya’t mga kaibigan, mga opisyal ng Lungsod Quezon, at mga kaanak ni Melchora Aquino.

Kinilala ng pamahalaang Lungsod Quezon si Taguiwalo bilang natatanging babae na taglay ang mga katangian ni Melchora Aquino o mas kilala bilang Tandang Sora. Ayon kay Punong-lungsod Ma. Josefina “Joy” Belmonte, ipinamalas ni Taguiwalo ang “tulad ni Tandang Sora na dakilang Pilipinang nagpakita ng pagmamalasakit sa pamilyang Pilipino, pagpapahalaga sa edukasyon, at pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay sa loob ng mahabang panahon.”

Lubos ang pasasalamat ni Taguiwalo sa gawad na ito na bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan at Ika-85 na Anibersaryo ng Lungsod. Tinatanaw niyang mahalagang tagumpay ito hindi lamang sa pagkakatulad kay Tandang Sora, kundi maging sa pagkilala sa kaniya bilang mamamayan ng Quezon City sa kabila ng kaniyang pagiging taga- Bacolod City, Negros Occidental.

 

Mula sa kaliwa: QC Mayor Joy Belmonte, Dr. Judy Taguiwalo. Kuha mula sa Quezon City Government Facebook page.

 

Binigyang-diin ni Taguiwalo ang “mahahalagang adhikain ng pagiging makabayan, pagsulong ng pagkakapantay-pantay anuman ang kasarian, pagkakaroon ng hustisyang panlipunan, at ang paglahok ng kababaihan para mabago ang lipunan.” Ang mga ito ay kaniyang itinaguyod mula pa sa pagiging estudyanteng aktibista, bilanggong politikal sa panahon ng Martial Law, propesor at iskolar ng ̽̽ mula sa Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan (CSWCD), dating ̽̽ Faculty Regent, lider-unyonista, at hanggang sa pagsisilbi bilang dating Kalihim ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD). Hanggang sa kasalukuyan ay bitbit pa rin ni Taguiwalo ang mga adhikaing ito bilang kasapi ng Bayan Tandang Sora Network (BTSN), Bagong Alyansang Makabayan, at ng bagong tatag na Babae para sa Inang Bayan (BIBA).

Para naman kay Belmonte, marahil tumatak ang tagubilin ni Taguiwalo para muli niyang bigyang-diin ito sa kaniyang mensaheng, “mahalagang alalahanin ang bilin ni Prof. Judy Taguiwalo: ‘Hindi sapat na palitan lamang ang namumuno sa tuktok ng taksulok o triangle of stratification. Sa halip, kailangan nating tingnan kung bakit nananatiling mahirap ang ating mga kababayan makalipas ang napakahabang panahon.”

Pagdalo ni Dr. Judy Taguiwalo sa ̽̽ Day of Remembrance Proclamation Signing, ̽̽ Diliman. Kuha ni Misael Bacani, ̽̽MPRO.